Isang Bukas na Sulat sa Ating Mahal na Pangulo Rodrigo Roa Duterte

Posted on: Apr 15, 2020

Isang Bukas na Sulat sa Ating Mahal na Pangulo Rodrigo Roa DuterteAbril 15, 2020Sa Sun Residences2:40 ng…

Posted by Clarence M. Batan on Tuesday, April 14, 2020

Abril 15, 2020
Sa Sun Residences
2:40 ng umaga

Mahal na Pangulong Duterte:

Mapagpalang araw po.

Batid ko pong pagod na kayo sa maraming problemang dulot ng COVID-19 pandemic. Ang Luzon (at ibang parte ng bansa), nasa ilalim pa rin ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at maraming institusyon sa lipunan ang kasalukuyang naapektuhan. Isa rito ang institusyon ng edukasyon.

Ang ating edukasyon, tulad ng maraming institusyon, ay binubuo ng mga istruktura, sistema at higit sa lahat, ang mga taong bahagi nito – ang mga opisyal, guro, estudyante at support staff. Milyon ang bilang namin sa akademiya mula kindergarten hanggang sa kolehiyo o unibersidad. At dahil sa COVID-19, tulad ng maraming institusyon, tumigil ang aming mga gawain. Mula sa paaralan, umuwi ang makakauwi sa kani-kaniyang bahay. Iyong iba na-stranded. Meron ding naipit sa mga boarding houses at paaralan. Meron din ibang kinupkop ng ibang tao kahit hindi kamag-anak. At marami pang samu’t saring sitwasyon para lang mairaos ang krisis na ito at hindi maging pabigat sa gobyerno.

Pero sa gitna nang lahat na ito, kaming nasa akademya, ay may pananagutang iuwi ang aming mga trabaho sa bahay. Marahil dahil iniisip na posible naman ang “home schooling” o “distance learning”? O dahil meron namang Internet o technological gadgets? Kaya sa kauna-unahang guideline noong Marso 12, 2020, suspendido ang mga klase pero ang DepEd at CHED ay inatasan na ituloy ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto sa anumang paraan. Ngunit ang probisyong ito ay inalis nang magdeklara ng Luzon-wide ECQ simula Marso 15, 2020. Sa panahong ito, naging malinaw na ang pagsasagawa ng “online classes” ay isang malaking problema dahil sinasalamin nito ang realidad na mahina ang ating Information, Communication, and Technologies (ICT) sa bansa. Isa ang ating bansa na may pinakamahinang Internet access sa buong mundo. ‘Buti na lang ang Facebook at Tiktok ay patok sa mga Pinoy dahil sa disenyo nitong mas simple na accessible dahil sa magaang platform. Pero ang totoo, sa usaping paggamit ng ICT para sa pag-aaral, hindi handa ang marami – mula sa kawalan ng technological structures, mas nakakalungkot, marami sa aming guro ang hindi handa sa approach na ito dahil mabibilang lang ang resources na inilalaan para sa pagsasanay sa amin upang maging “technologically-equip”. Ang mga estudyante, maaaring marunong sa mobile phones (at mga gadgets) pero hindi primyadong orientasyon nila ay gamitin ito bilang isang “learning tool”.

Kaya ang malaking tanong, sa panahon ng COVID-19 ECQ, posible ba na may maiturong maayos at makabuluhan ang mga guro? At may tunay kayang matutunan ang mga estudyante habang nasa bahay? O mas tama bang tanungin na sa panahon ng COVID-19 ECQ, posible rin na mas mahihirapan ang mga gurong magturo nang maayos at makabuluhan? At lalong walang matututunan ang mga estudyante habang nasa kani-kaniyang bahay?

Siguro kung tama at balanse lang ang sitwasyon tulad nang walang iniisip kung may sapat bang kakainin sa bahay? O walang pangamba na mawalan nang pambili ng pagkain sa bahay? O walang takot na may magkasakit sa bahay? O may malakas na Internet at signal ang mobile phones? O kung walang problema sa bahay dahil normal lang ang sitwasyon at madaling mapanatili ang katinuan ng bawat isa habang nasa bahay? Baka pwedeng magturo at mag-aral sa gitna ng COVID-19 ECQ.

Pero ang mas higit na totoo, mahal na Pangulo, marami po sa amin ang pinaglalabanan ang mga sarili upang sa gitna ng krisis na ito, maiwasan naming tingnan ang aming mga bahay na para bang isang “kulungan”. Dahil may krisis sa labas at dahil ang virus ay hindi nakikita, pinakaligtas daw sa bahay? Mukhang tamang isipin na sa ganitong sitwasyon, mas mahirap maging paaralan ang bahay. Mahirap magturo nang maayos ang mga guro at mabigat ang proseso ng pag-aaral para sa mga estudyante.

Kaya’t sa gitna ng iba’t ibang guidelines at policies tungkol sa COVID-19 pandemic ng mga eskuwelahan, sigurado po akong may natalo sa prosesong ito. Dahil wala mang dumapong Corona virus sa amin, may mga gurong hindi sinasadyang di nakapagturo nang maayos at may mga estudyanteng di tunay na natuto. Hindi man kami na-ospital, nagturo naman ang karanasang-ECQ na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pormal na edukasyon. Hindi man kami namatay, batid namin na may puwersa ang kasaysayan upang muling magsilang ng mga bagong kalakaran sa mundo. Ito ang napipintong pagbabagong-lipunan na ating kakaharapin matapos ang pandemic.

Mahal na Pangulo, maaari po kayang sa panahong ito ng COVID-19, ang institusyon ng edukasyon sa ating bansa ay magkaron ng iisang polisiya: Na habang hinaharap natin ang krisis na ito, huwag ipilit na gawing “paaralan” ang kani-kaniyang bahay? Maaari po bang suspindihin na ang lahat ng klase sa buong bansa? Pwede rin po bang maglaan ng tulong sa lahat ng paaralang naapektuhan, publiko man o pribado? Tulungan din ang mga guro at support staff lalo na ang mga hindi pa permanente sa trabaho? At ang mga estudyante, mas paigtingin ang tulong sa kanila upang mabawi ang nawalang panahong ito na dapat sana, may natutunan sila?

Ang institusyon ng edukasyon po ang nagturo at humubog sa ating mga frontliners. Kaya’t marapat pong isipin na sa panahong tama ang kondisyon at balanse ang buhay, ang sektor ng edukasyon ang maghahanda ng susunod na henerasyon ng frontliners at marami pang sektor na magkakabalikat na bubuo ng ating bansang Pilipinas sa paghupa at pagkawala ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Salamat po sa atensyon Pangulong Duterte.

Gumagalang,

Clarence M. Batan

*Guro ng Sosyolohiya at napasulat sa Pangulo dahil hindi makatulog. Ibinulalas ang nilalaman ng isip at damdamin upang kahit sandali mapalaya ang sarili sa halos tatlong linggong pag-iisa. Hindi batid kung makakarating ang sulat sa Pangulo pero naniniwalang kahit hindi perpekto, may katuturang-sosyolohikal ang sulat na ito. Personal na opinyon ito at hindi kinakatawan ang anumang institusyong kinabibilangan. Gamit ang FB, baka sakaling lang may makapagparating sa Pangulong Duterte. Salamat.

Post Archive