BULONG

Posted on: Apr 4, 2016

Bulong Ni Clarence M. Batan

Bulong ang sagot ko sa maingay na mundo
Sa mga nakakatulig na sigawan at bulyawan
Sa mga nakakarinding pagsabog at karahasan
Sa mga debateng walang katuturan.

Bulong ang sigaw ng mga naniniwalang
Di pwede ang pagbigla-bigla’t pasaway
Di totoong tao ang palaging bumubulyaw
Di sila kailangan ng mundong walang malay.


Bulong ang sandata ko matapos ang gulo
Kapag humupa na ang damdaming galit
Kapag tinakasan na ng lakas ang dibdib
Kapag katinuan bumalik na sa tamang isip.

Bulong ang panalangin ko sa Diyos
Na kahit mahina, dinig ang aking hiling
Na kahit paos, yakap ang damdamin
Na kahit maikli, tagos ang lalim.

Bulong ang istilo ko sa pananalangin
Hanggang marinig ng Poong Maykapal
Hanggang lahat ng papuri, hiling at patawad
Hanggang matampok, labis kong pasasalamat!

***March 24, 2016, Huwebes Santo 5:05 ng hapon Dito sa Batong Bahay, sa aking kuwarto sa 3rd floor Binangonan, Rizal

Post Archive