TATLONG ARAL NA NATUTUNAN KO SA HIGH SCHOOL

Posted on: Apr 4, 2016

Ni Clarence M. Batan

Minsan tinanong ako kung meron ba
Akong natutunan sa high school?
Pabiro kong sagot, “Mukhang wala?”
Pero ang totoo meron, “Tatlo”.
Tatlong aral sa buhay na sa
Buhay ko’y naging gabay
Sa dalawangpu’t limang taong
Lumipas, simula nang ako ay
Grumadweyt.

Aral uno ay tungkol sa bayan.
Aral dos ay tungkol sa simbahan.
Aral tres ay tungkol sa edukasyon.

Ito ang tatlong aral-gabay
Na bumuhay sa aking tuparin
Ang marami kong pangarap.

Ang pagmamahal sa bayang sinilangan
Ang palaging nagpapaalalang
Huwag isiping lagi ang sarili
Dahil may lipunang ginagalawan
Pagkalinga kailangan
Kapwa ang puso
Loob ang ginto
Para sa bayan –
Maging tapat.

Ang maniwala sa kawalan

At mapuno sa karimlan
Ng pagdududa, ang pag-asa
Sa mga bagay na tanging
Pananampalataya lamang
Ang sagot
Huwag nang mangamba –
May Diyos.

Na ang pag-aaral ay
Pananagutan. Na ang
Edukasyon ay kapangyarihang
May kakayahang

Tumupad ng mga parangap.
Gamitin lang nang tama
Mga natutunan.

Ang tatlong aral na ito
Nakaukit sa pangalan
Ng mataas na paaralang
Pinag-aralan.

Binangonan Catholic High School (BCHS).
Bayan, simbahan at edukasyon.

Ito ang pamana ng BCHS
Sa akin at sa lahat ng mga
Kapwa estudyanteng dito
Nag-aral, grumadweyt at
Patuloy pang nag-aaral sa
Bagong pangalan nitong
Taglay, ang
Binangonan Catholic College (BCC).

Parehong mga aral pa rin
Ang tangan —
Ang magmahal sa bayan,
Sa Diyos, at
Isabuhay ang
Paalalang —
“Iba ang nag-aral
Sa may pinag-aralan!”

Ikinagagalak kong
BCHS/BCC alumnus ako
Batch 1991!

 

Post Archive